Mga pulis pinakakasuhan ng DOJ dahil sa pagdukot at pagpatay sa isang Korean business executive

Estimated read time 2 min read

 

 

 

 

 

Nagrekomenda na ang DOJ na kasuhan ng kidnapping for ransom with homicide ang mga opisyal ng PNP at mga kasabwat nito kaugnay ng pagdukot at pagpatay kay Jee Ick Joo isang Korean Business Executive.

 

 

Ayon sa DOJ sina Senior Police Officers Ricky Sta. Isabel, Roy Villegas, Ramon Yalung at iba pang mga kasabwat nito ay nabigong magpakita ng matibay na ebidensiya na hindi siya kasama sa krimen.

Sa preliminary investigation ng DOJ lumalabas na ang Korean businessman ay sinakal muna hanggang sa mamatay habang nasa loob ng PNP headquarters sa Campo Crame.

 

Ayon pa sa DOJ noong Oktubre 18, 2016 sa bahay sa Pampanga, dalawang hindi nakilalang lalaki ang dumukot kay Jee at sa kasambahay nito na si Marisa Morquicho.

Nakasaad sa sinumpaang salaysay ni Morquicho na ang mga dumukot sa kanyang amo ay nagpakilalang mga pulis at sinabing sangkot sa illegal drug activities ang kanyang amo.

 

Mula sa kanilang bahay ay dinala sila sa Kampo Krame at dito pinakawalan ang kasambahay.

Ayon naman sa affidavit ng pulis na si Villegas, si SPO3 Ricky Sta Isabel ang sumakal at pumatay kay Jee. Ang bangkay ng koreano ay isinailalim sa cremation sa isang crematorium na pag aari ng isang dating police officer.

Ayon pa sa DOJ sinabi ni Villegas na buong akala niya at legitimate ang police operation subalit hindi pala. Minabuti ni Villegas na sumunod na lang kay Sta.Isabel dahil sa takot na balikan siya at madamay ang kanyang pamilya.

 

Kaugnay nito si Sta Isabel ay nauna nang sumuko sa NBI kahit wala siyang warrant of arrest.

Samantala, sinabi naman ng pamilya ni Jee na nagbayad sila ng P5 million na ramsom money dalawang linggo matapos na ito ay dukutin subalit lumalabas na ito ay pinatay nang araw din na siya ay dinukot mula sa kanyang tahanan.

 

Kaugnay nito nakatakdang isumite ng PNP-AKG (Anti Kidnapping Group) ang karagdagang ebidensiya na magdidiin sa grupo ni Sta Isabel. Ito ay ang golf club set ng biktima.

Magsasalita din umano ang isang pulis na may direct participation sa pagpatay sa koreano.

 

 

 

Myra Revilla
MCBN News Correspondent
Jan 20, 2017

You May Also Like